38“Dalawang tupa na isang taóng gulang ang ihandog mo sa altar araw-araw.
39Isa sa umaga at isa sa dapit-hapon.
40Sa paghahandog mo ng tupa sa umaga, maghandog ka rin ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis mula sa pinigang olibo. Maghandog ka rin ng isang litrong alak bilang handog na inumin.
41Sa paghahandog mo ng tupa sa dapit-hapon, ihandog mo rin ang mga nabanggit na harina at inumin. Ang handog na ito ay nakakalugod ang samyo sa akin.
42“Ang handog na sinusunog na ito ay panghabang panahong iaalay ninyo hanggang sa mga susunod pang henerasyon. Ihandog ninyo ito sa aking presensya, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan kung saan ako makikipagkita at makikipag-usap sa iyo.