2“Ano ang ibig ninyong sabihin sa kasabihang ito sa Israel: ‘Ang mga magulang ay kumain ng maasim na ubas at ang asim nitoʼy matitikman pati ng kanilang mga anak?’
3“Ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buháy, ay sumusumpang hindi nʼyo na babanggitin ang kasabihang ito sa Israel.
4Makinig kayo! Akin ang lahat ng may buhay, maging ang buhay ng mga magulang o buhay ng mga anak. Ang taong nagkasala ang siyang mamamatay.
5Halimbawa, may isang taong matuwid na ginagawa kung ano ang tama.
6Hindi siya sumasamba sa mga diyos-diyosan ng Israel o kumakain ng mga inihandog sa mga diyos-diyosang ito sa mga sambahan sa mga bundok. Hindi siya sumisiping sa asawa ng iba o sa babaeng may buwanang dalaw.