26Nagtitiwala kayo sa inyong espada, gumagawa kayo ng mga kasuklam-suklam na bagay, at dinudungisan ninyo ang asawa ng iba dahil sa inyong pakikiapid. At sa kabila nitoʼy inaakala ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupain?
27“Sabihin mo ito sa kanila: ‘Ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buhay, ay sumusumpang mamamatay sa digmaan ang mga taong iyon na natirang buháy sa mga nagibang lungsod. Ang mga natira namang buhay sa mga bukid ay kakainin ng mababangis na hayop, at ang iba na nasa mga pinagtataguan nila at nasa mga kuweba ay mamamatay sa sakit.
28Gagawin kong tiwangwang ang lupain ng Israel at aalisin ko ang kapangyarihang ipinagmamalaki niya. Magiging tiwangwang kahit ang mga kabundukan niya at wala nang dadaan doon.
29Kapag ginawa ko nang tiwangwang ang lupain dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga naninirahan dito, malalaman nilang ako ang Panginoon.’
30“At ikaw naman, anak ng tao, pinag-uusapan ka ng mga kababayan mo kapag nagtitipon sila sa pader at sa pintuan ng kanilang mga tahanan. Sinasabi nila sa isaʼt isa, ‘Halikayo, pakinggan natin si Ezekiel kung ano ang sasabihin niya mula sa Panginoon!’