14Kung hihingi po ako ng tubig na nasa banga ng isang dalaga, at pumayag siyang painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili ninyong maging asawa ng lingkod ninyong si Isaac. Sa ganito ko po malalaman ang pagpapakita nʼyo ng inyong kabutihan sa aking amo.”
15Hindi pa siya natatapos sa pananalangin, dumating si Rebeca na may pasan-pasan na banga sa balikat niya. Si Rebeca ay anak ni Betuel na anak nina Nahor at Milca. Si Nahor ay kapatid ni Abraham.
16Magandang dalaga si Rebeca at birhen pa. Bumaba siya papunta sa balon at nilagyan niya ng tubig ang kanyang banga. Pagkatapos, umakyat siya upang umuwi.
17Nagmamadali ang alipin sa pagsalubong sa kanya at sinabi, “Puwede mo ba akong painumin sa banga mo kahit kaunti lang.”
18Sumagot si Rebeca, “Sige, Ginoo, uminom po kayo.” Mula sa balikat niya, ibinaba niya agad ang banga at hinawakan ito habang umiinom ang alipin.