1Umaasa ang Israel sa mga bagay na walang kabuluhan. Maghapon niyang hinahabol ang mga bagay na nagpapalala sa kanilang kasinungalingan at karahasan. Nakikipagkasundo siya sa Asiria, at nagpapadala sa Ehipto ng langis ng olibo.
2May mga paratang ang Panginoon laban kay Juda. Parurusahan niya ang lahi ni Jacob ayon sa kanilang mga asal; gagantihan niya sila ayon sa kanilang mga gawa.
3Noong si Jacob ay nasa sinapupunan pa lamang, nais na niyang lampasan ang kanyang kakambal. At noong lumaki na siya, nakipagbuno siya sa Diyos.
4Oo, nakipagbuno siya sa isang anghel, at nagtagumpay siya. Umiiyak siya habang nagmamakaawa pagpalain siya ng anghel. Nakita niya ang Diyos sa Betel, at doon nakipag-usap ang Diyos sa kanya.
5Siya ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo. Panginoon ang kanyang pangalan.
6Kaya kayong mga lahi ni Jacob, magbalik-loob na kayo sa Diyos at ipakita ninyo ang pag-ibig at katarungan. At patuloy kayong magtiwala sa kanya.
7Mahilig mandaya ang mga negosyante ninyo. Gumagamit sila ng mga timbangang may daya.
8Nagyayabang pa kayong mga taga-Israel at sinasabing, “Nakapag-ipon kami ng kayamanan at napakayaman na namin ngayon. Walang makapagsasabing yumaman kami sa masamang paraan, dahil kasalanan ang gawin iyon.”
9“Kaya ako, ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto, ay nagsasabi: ‘Patitirahin ko kayong muli sa mga kubol katulad ng ginagawa ninyo taon-taon sa Pista ng Kubol.’
10Nakipag-usap ako sa mga propeta at binigyan ko sila ng maraming pangitain. Sa pamamagitan nila, nagbabala ako sa inyo na mapapahamak kayo.”
11Ngunit ang mga taga-Gilead ay nagpapatuloy sa kanilang kasamaan, at sila ay naging walang kabuluhan. At ang mga taga-Gilgal naman ay naghahandog ng mga toro sa kanilang mga diyos-diyosan. Kaya gigibain ang kanilang mga altar at itoʼy magiging bunton ng mga bato na kinuha sa inararong bukirin.
12Tumakas si Jacob at pumunta sa Aram at doon naglingkod bilang pastol upang magkaasawa.
13Sa pamamagitan ng propetang si Moises, inilabas kayong mga Israelita sa Ehipto at inalagaan ng Panginoon.
14Dahil marami kayong pinatay, ginalit ninyo ako na inyong Panginoon. Kaya parurusahan ko kayo at pagbabayarin sa paglapastangan ninyo sa akin.