1“Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang aking mga mamamayan, ang Israel na itinuturing na tahanan ng Panginoon, na lulusubin sila ng kalabang kasimbilis ng agila. Sapagkat sinira nila ang kasunduan ko sa kanila at nilabag nila ang aking Kautusan.
2Sumasamo sila sa akin, ‘Diyos ng Israel, kinikilala ka namin.’
3Ngunit itinakwil nila ang mabuti, kaya hahabulin sila ng kanilang kalaban.
4Pumili sila ng mga hari at mga opisyal na hindi ko pinili. Gumawa sila ng mga diyos-diyosan mula sa kanilang mga pilak at ginto, at ang mga ito ang nagdala sa kanila sa kapahamakan.
5Itinatakwil ko ang diyos-diyosang baka ng mga taga-Samaria. Galit na galit ako sa kanila. Hanggang kailan sila mananatiling marumi?
6Ang diyos-diyosang baka ng Samaria ay ginawa lamang ng mga platero na taga-Israel. Hindi iyon Diyos! Tiyak na dudurugin iyon.
7“Para silang naghahasik ng hangin at nag-aani ng buhawi. Para ding trigo na walang uhay, kaya walang makukuhang pagkain. At kung mamumunga man, taga-ibang bansa naman ang lalamon nito.
8Ang Israel ay nilamon ng ibang bansa. At ngayong nakikisalamuha siya sa kanila, para na siyang kasangkapang walang silbi.
9Para siyang asnong-gubat na nag-iisa at naliligaw. Humingi siya ng tulong sa Asiria; binayaran niya ang kanyang mga kakamping bansa para ipagtanggol siya.
10Ngunit kahit nagpasakop siya sa mga bansang iyon, titipunin ko ngayon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan. At magsisimula na ang kanilang paghihirap sa pang-aapi ng isang hari at ng mga opisyal niya.
11“Nagpagawa nga sila ng maraming altar para sa mga handog sa paglilinis, subalit doon din sila gumawa ng kasalanan.
12Kahit sa kanilaʼy ipinagkaloob ko ang lahat kong kautusan, ngunit sa kanilang paningin, wariʼy hindi para sa kanila ang mga ito.
13Naghahandog sila sa akin at kinakain nila ang karneng handog, ngunit hindi nalulugod ang Panginoon sa kanila. At ngayon aalalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Ehipto.
14Kinalimutan ng mga taga-Israel ang lumikha sa kanila. Sila at ang mga taga-Juda ay nagtayo ng mga palasyo at maraming napapaderang bayan. Ngunit susunugin ko ang kanilang mga lungsod at ang matitibay na bahagi nito.”