Hoseas 5

1Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, kayong mga pari! Dinggin ninyo ito, kayong mga Israelita, pati na kayong nabibilang sa sambahayan ng hari! Ang hatol na ito laban sa inyo: Kayo ay naging bitag sa Mizpa, isang lambat na inihagis sa Tabor.

2Nagrerebelde kayo sa akin at gusto ninyong pumatay, kaya didisiplinahin ko kayong lahat.

3Alam ko ang lahat ng tungkol sa inyong mga taga-Israel. Wala kayong maililihim sa akin. Sumasamba kayo sa mga diyos-diyosan kaya naging marumi kayo.

4“Ang inyong masasamang gawain ang pumipigil sa inyo upang magbalik-loob sa akin na inyong Diyos. Sapagkat nasa puso ninyo ang espiritu na nag-uudyok sa inyong mangalunya kapag sinasamba ninyo ang mga diyos-diyosan, at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon.

5Ang pagmamataas ninyo ay nagpapatunay na dapat kayong parusahan. At dahil sa mga kasalanan nʼyo, mapapahamak kayo, kayong mga taga-Israel pati ang lahi ni Efraim kasama ang mga taga-Juda.

6Maghahandog kayo ng mga tupa, mga kambing, at mga baka sa paglapit ninyo sa Panginoon. Ngunit hindi ninyo mararanasan ang presensya ko sapagkat itinakwil ko na kayo.

7Nagtaksil kayo sa Panginoon, dahil nagkaanak kayo sa labas. Kaya lilipulin ko kayo at sisirain ko ang lupain ninyo sa loob lamang ng isang buwan.

8“Hipan ninyo ang mga trumpeta upang bigyang babala ang mga tao sa Gibea at Rama! Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet-aven! Magbantay kayo, kayong mga mamamayan ng Benjamin.

9Mawawasak ang Israel sa araw ng pagpaparusa. Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko laban sa mga lahi ng Israel!

10Ang mga pinuno ng Juda ay katulad ng taong naglilipat ng muhon dahil inagaw nila ang lupain ng Israel. Kaya ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na tulad ng baha.

11Ginigipit at winawasak ang Israel dahil pinarurusahan ko siya. Sapagkat patuloy siyang sumusunod sa mga diyos-diyosan.

12Sapagkat akoʼy tulad ng gamo-gamo sa lahi ni Efraim, tulad ng kalawang na sisira sa sambahayan ni Juda.

13“Nang makita ng mga taga-Israel at taga-Juda ang kanilang masamang kalagayan, humingi ng tulong ang Israel sa makapangyarihang hari ng Asiria. Subalit hindi ito makakatulong sa kanila.

14Sapagkat sasalakayin kong gaya ng leon ang Israel at ang Juda. Ako mismo ang lilipol sa kanila. Dadalhin ko sila sa ibang bansa at walang makapagliligtas sa kanila.

15Pagkatapos, babalik ako sa aking lungga hanggang sa maparusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan. At sa gayoʼy hahanapin nila ako; sa kanilang pagdurusa ay lalapit sila sa akin.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.