Hoseas 6

1Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, ngunit siya rin ang magpapagaling sa atin.

2Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal, at ibabangon niya tayo upang mamuhay sa kanyang presensya.

3Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasing tiyak ng pagsikat ng araw. Darating siyang parang ulan na magdidilig sa mga lupain.”

4“O Israel at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akiʼy parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala.

5Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat.

6Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal. Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako bilang Diyos kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog.

7Ngunit tulad ni Adan, sinira ninyo ang kasunduan natin. Nagtaksil kayo sa akin diyan sa inyong lugar.

8Ang bayan ng Gilead ay tirahan ng mga makasalanan at nabahiran ng mga bakas ng mga paang madudugo.

9Ang inyong mga pari ay parang mga tulisan na nag-aabang ng kanilang mabibiktima. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem, at gumagawa ng maraming nakakahiyang gawain.

10Mga taga-Israel, kakila-kilabot ang nakita ko sa inyo. Sumasamba kayo sa mga diyos-diyosan, kaya naging marumi kayo.

11“Kayo ring mga taga-Juda ay nakatakda nang parusahan. “Nais ko sanang ibalik ang mabuting kalagayan ng aking mga mamamayan.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.