Hoseas 2

1“Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’ at ‘Kinaawaan.’

2“Mga anak, pagsabihan ninyo ang inyong ina, sapagkat hindi na ako ang kanyang asawa nang akoʼy iniwan niya. Pagsabihan ninyo siya para itigil na niya ang pangangalunya at talikuran ang imoral na pamumuhay niya.

3Kung hindi, huhubaran ko siyaʼt ilalantad, gaya noong siya ay isinilang. Gagawin ko siyang tigang katulad ng disyerto o ilang, at pababayaang mamatay sa uhaw.

4At kayong mga anak niyaʼy hindi ko kahahabagan, dahil mga anak kayo ng babaeng bayaran.

5Nakakahiya ang ginagawa ng inang nagsilang sa inyo. Sinabi pa niya, ‘Hahabulin ko ang mga lalaking nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig, telang lana at lino, langis, at inumin.’

6Kaya babakuran ko siya ng mga matitinik na halaman upang hindi siya makalabas.

7Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya sila maaabutan. Hahanapin niya sila ngunit hindi niya rin makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa aking asawa sapagkat higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’

8Hindi niya napagtanto na ako ang nagbigay sa kanya ng mga ito: mga butil, bagong alak, at langis; binigyan ko pa siya ng pilak at ginto. Ngunit ibinigay niya ang lahat ng ito kay Baal na kanyang diyos-diyosan.

9“Kaya pagdating ng tag-ani ay babawiin ko ang mga butil at ang bagong alak na aking ibinigay. Babawiin ko rin ang mga telang lana at linong ibinigay ko na sanaʼy pantakip sa kanyang kahubaran.

10At ngayon, ilalantad ko ang kanyang kahalayan sa harap ng kanyang mga lalaki, at walang makapagliligtas sa kanya mula sa aking mga kamay.

11Wawakasan ko na ang lahat ng espesyal na Araw ng Pagsamba na ginagawa niya taon-taon, buwan-buwan, at linggo-linggo.

12Sisirain ko ang mga ubasan niya at mga puno ng igos na ibinayad daw sa kanya ng kanyang mga lalaki. Gagawin ko itong parang gubat at kakainin ng mga mababangis na hayop sa gubat ang mga bunga nito.

13Parurusahan ko siya dahil may mga panahong nagsusunog siya ng mga insenso sa diyos-diyosang si Baal. Nagsuot siya ng mga alahas at humabol sa kanyang mga lalaki, akoʼy kanyang kinalimutan,” sabi ng Panginoon.

14“Ngunit masdan mo, siya ay aking susuyuin. Dadalhin ko siya sa ilang at dooʼy kakausapin ko nang malambing.

15Ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan, at ang Lambak ng Acor ay gagawin kong daanan na magpapaalala ng magandang kinabukasan. At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya noong panahon ng kanyang kabataan, noong kinuha ko siya sa lupain ng Ehipto.”

16Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Sa araw ng inyong pagbabalik sa akin, tatawagin na ninyo ako na inyong asawa at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.

17Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo ang mga pangalan ni Baal.

18Sa araw na iyon, makikipagkasundo ako sa lahat ng uri ng hayop upang hindi nila kayo sasaktan. Aalisin ko sa lupain ng Israel ang lahat ng sandata tulad ng mga pana at espada. At dahil wala nang digmaan, matutulog kayong ligtas at payapa.

19Ituturing ko kayong asawa magpakailanman. Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama. Mamahalin ko kayo at kaaawaan.

20Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili nang buong katapatan, at kikilalanin na ninyo ako bilang Panginoon.

21“Sa araw na iyon, sasagutin ko ang mga dalangin ninyo,” sabi ng Panginoon. “Magpapadala ako ng ulan upang tumubo sa lupa

22ang mga trigo, ubas, at mga olibo para sa inyo na tinatawag na Jezreel.

23Patitirahin ko kayo sa inyong lupain bilang mga mamamayan ko. Kaaawaan ko si Lo Ruhama, at tatawagin kong aking mamamayan si Lo Ami. At sasabihin ninyong ako ang inyong Diyos.”

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.