13Sinasabi ng Panginoon, “Kahabag-habag ka Jehoiakim, nagtayo ka ng iyong palasyo sa masamang paraan, ang iyong mga silid sa paraang walang katarungan. Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa nang walang suweldo, at hindi mo sila binayaran.
14Sinabi mo, ‘Magtatayo ako ng palasyong may malalawak na silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.’
15“Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan.
16Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin,” sabi ng Panginoon.
17Ngunit ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.