14Sinabi mo, ‘Magtatayo ako ng palasyong may malalawak na silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.’
15“Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan.
16Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin,” sabi ng Panginoon.
17Ngunit ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.
18Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Haring Jehoiakim ng Juda, na anak ni Josias, “Walang magluluksa para sa kanya kapag namatay siya. Ang sambahayan niya, ang mga pinuno niya at ang ibang mga tao ay hindi magluluksa para sa kanya. Ang kanyang nasasakupan ay hindi magluluksa sa kanya at magsasabing: Ang Panginoon koʼy pumanaw na! Naglaho na ang kanyang kadakilaan!