13“Nakita kong napakasama ng ginagawa ng mga propeta ng Samaria, dahil nagsisipanghula sila sa pangalan ni Baal at inililigaw nila ang aking mga mamamayang Israelita.
14Ngunit nakita ko ring mas masama pa ang ginagawa ng mga propeta ng Jerusalem dahil nangangalunya sila at nagsisinungaling pa. Pinapalakas nila ang loob ng masasamang tao upang gumawa pa ng kasamaan, kaya hindi sila tumatalikod sa kanilang kasamaan. Ang mga taga-Jerusalem ay kasingsama ng mga taga-Sodoma at Gomora.
15“Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo tungkol sa mga propetang ito: Pakakainin ko sila ng mapait na pagkain at paiinumin ko sila ng inuming may lason sapagkat dahil sa mga propeta ng Jerusalem ay lumaganap ang kasamaan sa buong lupain.”
16Ito ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan.
17Palagi nilang sinasabi sa mga humahamak sa aking salita: ‘Sabi ng Panginoon, Magiging mabuti ang kalagayan ninyo.’ At sa mga sumusunod sa nagmamatigas nilang puso, sinasabi nila, ‘Walang masamang mangyayari sa inyo.’