25lahat ng mga hari sa Zimri, Elam at Media;
26ang mga bansa sa hilaga, malayo man o malapit, at ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. At ang huling paiinumin ay ang Babilonia.
27Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Sabihin mo sa mga bansang ito na sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel sa kanila: ‘Sige, uminom kayo sa tasa ng galit ko hanggang sa malasing, magsuka, at mabuwal kayo, at hindi na makabangon, dahil ipapadala ko sa inyo ang digmaan.’
28Ngunit kung ayaw nilang uminom, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoon ng mga Hukbo ay nagsasabi, ‘Kinakailangang uminom kayo!
29Sinisimulan ko na ang pagpapadala ng kaparusahan sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ko para sa aking kapurihan. Akala nʼyo baʼy hindi ko kayo parurusahan? Parurusahan ko kayo! Sapagkat paglalabanin ko ang lahat ng bansa sa buong daigdig, wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.’