5Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain upang patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.
6Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga diyos, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga diyos-diyosan na ginawa lang ninyo, upang hindi ko kayo parusahan.”
7Ngunit hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong diyos-diyosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo.
8Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko,
9ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia,” sabi ng Panginoon. “Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon.