21Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, tungkol kina Ahab na anak ni Kolaias at Zedequias na anak ni Maasias, ‘Nagsalita sa inyo ng kasinungalingan ang mga taong ito sa pangalan ko. Kaya ibibigay ko sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sila ay ipapapatay niya sa harap mismo ninyo.
22Dahil sa kanila, ang lahat ng bihag sa Babilonia na mga taga-Juda ay susumpa ng ganito sa kapwa nila, “Nawaʼy patayin ka ng Panginoon katulad nina Zedequias at Ahab na sinunog nang buhay ng hari ng Babilonia.”
23Mangyayari ito sa kanila dahil gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay sa Israel. Nangalunya sila sa asawa ng kapwa nila at nagsalita ng kasinungalingan sa pangalan ko na hindi ko iniutos na gawin nila. Nalalaman ko ang mga ginawa nila at makapagpapatunay ako laban sa kanila,’ sabi ng Panginoon.”
24Ang Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel ay nagbigay sa akin ng mensahe para kay Semaias na taga-Nehelam. “Ito ang sinabi niya: Semaias, sa pamamagitan ng pangalan mo lang ay nagpadala ka ng sulat kay Zefanias na anak ni Maaseya na pari, at pinadalhan mo rin ng kopya ang iba pang mga pari, at ang lahat ng taga-Jerusalem. Ayon sa sulat mo kay Zefanias, sinabi mo,