9At kapag nangyari ito, ang lungsod ng Jerusalem ay magbibigay sa akin ng kadakilaan, kagalakan at kapurihan. At ang bawat bansa sa daigdig ay manginginig sa takot kapag nabalitaan nila ang mga kabutihan, kaunlaran at kapayapaan na ipinagkaloob ko sa lungsod na ito.’
10“Sinabi pa ng Panginoon, ‘Sinasabi ninyong malungkot, walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Ngunit darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan.
11Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon. Sasabihin nila, “Magpasalamat tayo sa Panginoon ng mga Hukbo sapagkat napakabuti niya. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.” Talagang magsasaya ang mga tao sapagkat ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una,’ sabi ng Panginoon.
12“Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ‘Kahit nakatiwangwang ang lupaing ito ngayon at walang tao at hayop, darating ang araw na magkakaroon ng mga pastulan sa lahat ng bayan na pagdadalhan ng mga pastol ng kanilang mga kawan.
13Muling dadami ang kawan nila sa mga bayan sa kabundukan, sa mga kaburulan sa kanluran, sa Negeb, sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar na nakapalibot sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda,’ sabi ng Panginoon.