11Ngunit nang sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa bansang ito, natakot kami sa mga sundalo ng Babilonia at ng Aram, kaya nagpasya kaming tumakas at pumunta sa Jerusalem. Ito ang dahilan kaya nakatira kami dito sa Jerusalem.”
12Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias,
13“Ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel: Pumunta ka sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at sabihin ito, ‘Bakit ayaw ninyong makinig sa mga itinuturo ko at ayaw ninyong sundin ang mga salita ko?’ sabi ng Panginoon.
14‘Si Jonadab na anak ni Recab ay nag-utos sa mga angkan niya na hindi sila iinom ng alak, at sinunod nila ito. Hanggang ngayon hindi sila umiinom ng alak dahil sinusunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Ngunit hindi kayo sumunod sa akin kahit ilang beses na akong nagsabi sa inyo
15sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta. Sinabi nila sa inyo, “Talikuran na ninyo ang inyong masasamang ugali, baguhin na ninyo ang inyong pamumuhay, at huwag na kayong sumamba sa mga diyos-diyosan, upang patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.” Ngunit hindi kayo naniwala o sumunod sa akin.