15Ang kapahamakan ninyoʼy ibinalita na ng mga mensahero mula sa Dan at ipinahayag sa kabundukan ng Efraim.
16Inutusan silang bigyan ng babala ang mga bansa at ibalita tungkol sa Jerusalem na may mga sundalong sumasalakay mula sa malayong lugar na humahamon ng digmaan sa mga lungsod ng Juda.
17Pinaligiran nila ang Jerusalem na parang mga taong nagbabantay ng bukid, dahil ang Jerusalem ay naghimagsik sa akin,” sabi ng Panginoon.
18“Ang inyong pag-uugali at mga gawa ang nagdala ng parusang ito sa inyo. Ito ang kaparusahan ninyo. Masakit ito! At tatagos ito sa inyong puso.”
19Ang puso ko, ang puso ko, namimilipit sa sakit na nadarama! Mabigat ang aking kalooban, kumakabog ang aking dibdib at hindi ako mapalagay. Sapagkat aking narinig ang tunog ng trumpeta, at ang hiyaw ng mga mandirigma.