18“Ako, ang buháy na Hari,” sabi ng Panginoon, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo. “Isinusumpa kong mayroong sasalakay sa Ehipto na nakahihigit sa kanya, katulad ng Bundok ng Tabor sa gitna ng mga kabundukan o ng Bundok ng Carmel sa tabi ng dagat.
19Kayong mga mamamayan ng Ehipto, ihanda na ninyo ang inyong mga dala-dalahan sapagkat kayo ay bibihagin. Mawawasak ang Memfis, magiging tiwangwang ito at wala nang maninirahan dito.
20“Ang Ehipto ay parang dumalagang baka, pero may bangaw mula sa hilaga na sasalakay sa kanya.
21Pati ang mga upahang sundalo niya ay uurong at tatakas. Para silang mga guyang pinataba upang katayin. Mangyayari ito sapagkat panahon na upang parusahan at wasakin ang mga taga-Ehipto.
22Tatakas ang mga taga-Ehipto na parang ahas na mabilis na tumatalilis habang sumasalakay ang mga kaaway. Sasalakay ang mga kaaway na may dalang mga palakol na katulad ng taong namumutol ng punongkahoy.