19Kayong mga mamamayan ng Ehipto, ihanda na ninyo ang inyong mga dala-dalahan sapagkat kayo ay bibihagin. Mawawasak ang Memfis, magiging tiwangwang ito at wala nang maninirahan dito.
20“Ang Ehipto ay parang dumalagang baka, pero may bangaw mula sa hilaga na sasalakay sa kanya.
21Pati ang mga upahang sundalo niya ay uurong at tatakas. Para silang mga guyang pinataba upang katayin. Mangyayari ito sapagkat panahon na upang parusahan at wasakin ang mga taga-Ehipto.
22Tatakas ang mga taga-Ehipto na parang ahas na mabilis na tumatalilis habang sumasalakay ang mga kaaway. Sasalakay ang mga kaaway na may dalang mga palakol na katulad ng taong namumutol ng punongkahoy.
23Papatayin nila ang mga taga-Ehipto na parang pumuputol lang ng mayayabong na mga punongkahoy,” sabi ng Panginoon. “Ang mga kaaway na itoʼy mas marami kaysa sa balang na hindi mabilang.