25Binuksan ko ang taguan ng aking mga armas at inilabas ko ang aking mga sandata dahil sa aking galit. Sapagkat ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay may gagawin sa iyo, O Babilonia.
26Mga kalaban ng Babilonia, na nasa malalayong lugar, salakayin na ninyo ang Babilonia! Buksan ninyo ang kanyang mga bodega. Ipunin ninyo ang inyong mga nasamsam katulad ng trigo. Lipulin ninyong lubos ang mga taga-Babilonia at huwag kayong magtitira kahit isa.
27Patayin ninyo ang lahat ng kanilang batang toro. Lipulin ninyo silang lahat. Kahabag-habag sila sapagkat dumating na ang panahon na dapat silang parusahan.
28Pakinggan ninyo ang mga taong nakatakas sa Babilonia habang isinasalaysay nila sa Jerusalem kung paano naghiganti ang Panginoon na ating Diyos dahil sa ginawa ng mga taga-Babilonia sa ating Templo.
29“Ipatawag ninyo ang mga tagapana upang sumalakay sa Babilonia! Palibutan ninyo upang walang makatakas. Paghigantihan ninyo siya sa kanyang ginawa; gawin ninyo sa kanya kung ano ang ginawa niya sa iba sapagkat kinalaban niya ang Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel.