37Tatama ang espada sa kanyang mga kabayo, karwahe, at sa lahat ng kumakampi sa kanya. At silaʼy manghihina gaya ng mga babae! Tatama rin ito sa kanyang mga kayamanan at itong lahat ay sasamsamin.
38Matutuyo ang lahat ng pinagkukunan niya ng tubig! Sapagkat ang Babilonia ay lugar na punong-puno ng napakaraming diyos-diyosan, mga diyos-diyosang nagliligaw sa mga tao.
39“At ang Babilonia ay titirhan na lang ng mga hayop sa gubat, mababangis na hayop, mga asong-gubat, at mga kuwago. At hindi na maninirahan ang tao sa Babilonia magpakailanman.
40Kung paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomora, at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Babilonia. Wala nang taong maninirahan doon,” sabi ng Panginoon.
41“Tingnan ninyo! May mga sundalong dumarating mula sa hilaga. Isang makapangyarihang bansa at ang mga hari mula sa malayong lupain na lalaban sa Babilonia.