12Itaas ninyo ang watawat na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia. Dagdagan ninyo ang mga guwardiya; ipuwesto ang mga bantay. Palibutan ninyo ang lungsod! Panahon na upang gawin ng Panginoon ang kanyang plano laban sa mga taga-Babilonia.”
13O Babilonia, sagana ka sa tubig at sagana ka rin sa kayamanan. Ngunit dumating na ang katapusan mo, ang araw ng iyong kapahamakan.
14Sumumpa ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo sa kanyang sarili, “Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang, at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”
15Nilikha niya ang mundo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, at sa kanyang karunungan ay inilatag niya ang kalawakan.
16Sa kanyang utos ay lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalawakan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.