8Ang kanilang mga dila ay parang panang nakamamatay. Puro na lang pandaraya ang kanilang sinasabi. Nakikipag-usap sila nang mabuti sa kapwa nila ngunit sa puso nilaʼy masama ang binabalak nila.
9Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan? Hindi ba dapat na paghigantihan ko ang bansang katulad nito?” wika ng Panginoon.
10Sinabi ni Jeremias: Iiyak ako nang malakas para sa mga kabundukan at mananaghoy ako para sa mga pastulan. Dahil malungkot na ito at wala nang dumadaan. Hindi na marinig ang ungal ng mga baka, at nag-alisan na ang mga ibon at mga hayop.
11Dahil sinabi ng Panginoon, “Wawasakin ko ang Jerusalem, at magiging tirahan ito ng mga asong-gubat. Gagawin kong parang ilang ang mga bayan ng Juda upang wala nang manirahan doon.”
12Nagtanong ako sa Panginoon, “Sino pong marunong na tao ang makakaunawa sa mga pangyayaring ito? Kanino nʼyo po ipinaliwanag ang tungkol dito upang maipaliwanag ito sa mga tao? Bakit po nawasak ang lupaing ito at naging parang ilang na hindi na dinadaanan?”