24Kaya sinabi ng isang sundalo, “Huwag na natin itong paghatian. Magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa Kasulatan: “Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian, at nagpalabunutan sila para sa aking panloob na kasuotan.” At ito nga ang ginawa ng mga sundalo.
25Nakatayo malapit sa krus ni Hesus ang kanyang ina, ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria na taga-Magdala.
26Nang makita ni Hesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang alagad, sinabi niya, “Ituring po ninyo siyang anak.”
27At sinabi naman niya sa alagad niya, “Ituring mo siyang ina.” Mula noon, tumira na ang ina ni Hesus sa tahanan ng alagad na ito.
28Alam ni Hesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, “Nauuhaw ako.”