42Nang labindalawang taóng gulang na si Hesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila.
43Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, ngunit nagpaiwan ang batang si Hesus sa Jerusalem nang hindi namamalayan ng mga magulang niya.
44Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy lang sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Hesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan.
45Nang malaman nilang wala si Hesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya doon.
46At sa ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong.