3Sinasabi ninyong walang makakapagpabagsak sa inyo dahil nakatira kayo sa lugar na mataas at mabato. Sa pagyayabang ninyong ito, dinadaya lamang ninyo ang inyong mga sarili.
4Sapagkat kahit lumipad pa kayong tulad ng agila at magpugad sa mga bituin, ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa,” sabi ng Panginoon.
5“Hindi baʼt kapag pinasok ng mga magnanakaw ang iyong bahay, ang kinukuha lamang nila ay ang kanilang magustuhan? At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng ilang bunga? Ngunit kayong lahat ay lilipulin ng inyong mga kaaway.
6Hahanapin nila at kukunin ang lahat ng nakatagong kayamanan ng mga lahi ni Esau.
7Lilinlangin kayo ng mga kakampi ninyong bansa. Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo ay siya ring sasalakay sa inyo, at palalayasin nila kayo sa inyong bayan. Silang mga nakisalo sa inyo ang siya pang palihim na maglalagay ng bitag laban sa inyo.