12Sinabi ng Panginoong Hesus, “Makinig kayo! Malapit na akong dumating! Dala ko ang aking gantimpala para sa bawat isa ayon sa mga ginawa niya.
13Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, o ang simula at ang katapusan.
14“Mapalad ang naglilinis ng mga damit nila, dahil papayagan silang makapasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay.
15Ngunit maiiwan sa labas ang masasamang tao, mga mangkukulam, mga imoral, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyos-diyosan, at ang lahat ng nagmamahal at nabubuhay sa kasinungalingan.
16“Akong si Hesus ang nagsugo sa aking anghel sa inyo upang magpatotoo sa mga bagay na ito para sa mga iglesya. Ako ang Supling na mula sa lahi ni David at ang maningning na Tala sa Umaga.”