5Ngunit sinabi ng Panginoon kay Ahias, “Papunta rito ang asawa ni Jeroboam na nagbalat-kayo para hindi makilala. Magtatanong siya sa iyo tungkol sa anak niyang may sakit, at sagutin mo siya ng sasabihin ko sa iyo.”
6Nang marinig ni Ahias na papasok siya sa pintuan, sinabi ni Ahias, “Halika, pumasok ka. Alam kong asawa ka ni Jeroboam. Bakit ka nagbabalat-kayo? May masamang balita ako sa iyo.
7Umuwi ka at sabihin mo kay Jeroboam na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Ikaw ang pinili ko sa lahat ng tao para gawing pinuno ng mga mamamayan kong Israelita.
8Kinuha ko ang kaharian sa pamilya ni David at ibinigay sa iyo. Pero hindi ka katulad ni David na lingkod ko. Tinupad niya ang mga utos ko, sumunod siya sa akin nang buong puso, at ang matuwid lamang sa aking paningin ang ginawa niya.
9Mas masama ang ginawa mo kaysa sa ginawa ng mga pinunong nauna sa iyo. Itinakwil mo ako at ipinagpalit sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga diyos-diyosang gawa sa metal.