20Nang marinig ito ni Saul, natumba siya at nasubsob sa lupa. Matindi ang takot niya sa sinabi ni Samuel. Hinang-hina rin siya sa gutom dahil hindi siya kumain buong araw at gabi.
21Nilapitan ng babae si Saul. At nang makita niya na takot na takot si Saul, sinabi niya, “Mahal na Hari, tinupad ko na po ang ipinag-uutos ninyo sa akin kahit na alam kong nasa panganib ang buhay ko.
22Nakikiusap po akong pakinggan ninyo ang inyong lingkod. Bibigyan ko kayo ng pagkain upang manumbalik ang inyong lakas at makapagpatuloy kayo sa inyong paglalakbay.”
23Ngunit tumangging kumain si Saul. Tinulungan ng mga tauhan ni Saul ang babae sa pagkumbinsi sa kanya na kumain, at pumayag na rin siya. Tumayo siya mula sa lupa at naupo sa higaan.
24Mayroong pinapatabang guya ang babae sa kanyang bahay. Kinuha niya ito at kinatay. Kumuha rin siya ng harina, minasa ito, at nilutong tinapay na walang pampaalsa.