16Ibinigay ko sa mga lahi nina Ruben at Gad ang mga lupain mula sa Gilead hanggang sa Lambak ng Arnon. Ang gitna ng Arnon ang kanilang hangganan sa timog, at ang kanilang hangganan sa hilaga ay ang Lambak ng Jaboc, na hangganan din ng lupain ng mga Amonita.
17Ang hangganan sa kanluran ay ang Kapatagan ng Jordan pati na ang Ilog Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Dagat na Patay sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga sa silangan.
18Nang panahong iyon, inutusan ko ang mga angkan ninyo na naninirahan sa silangan ng Jordan, “Kahit na ibinigay ng Panginoon na inyong Diyos ang lupang ito para angkinin ninyo, kailangang tumawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Ilog Jordan na armado at handang manguna sa inyong mga kapatid na Israelita sa pakikipaglaban.
19Ngunit iiwan ninyo ang inyong mga asawaʼt anak, at ang napakarami ninyong hayop sa mga bayan na ibinigay ko sa inyo.
20Kapag naangkin na ng mga kapwa ninyo Israelita ang lupain sa kabila ng Jordan na ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Diyos, at kapag nabigyan na sila ng kasiguraduhan katulad ng kanyang ginawa sa inyo, makakabalik na kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo bilang ari-arian ninyo.”