10Mangyayari ito kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Diyos at tutuparin ang lahat ng utos niya at tuntuning nakasulat sa Aklat ng Kautusan, at kung manunumbalik kayo sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa.
11Hindi mahirap unawain at gawin ang mga utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon.
12Wala ito sa langit para magtanong kayo, “Sino ba ang aakyat sa langit para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?”
13Wala rin naman ito sa kabila ng dagat para magtanong kayo, “Sino ba ang tatawid sa dagat para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?”
14Hindi, napakalapit ng kautusan sa inyo; nasa bibig at puso ninyo ito upang inyong sundin.