11Si Hesus ang naglilinis ng ating mga kasalanan. At ang kanyang Ama ay siya rin nating Ama. Kaya hindi niya ikinakahiya na ituring tayong mga kapatid niya.
12Ito ang sinabi niya sa kanyang Ama: “Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang mga ginawa mo. Aawit ako ng papuri sa iyo sa piling ng mga sumasamba sa iyo.”
13Sinabi rin niya, “Magtitiwala ako sa Diyos.” At idinagdag pa niya, “Narito ako, kasama ang mga anak ng Diyos na kanyang ibinigay sa akin.”
14At yamang ang mga anak ng Diyos na binanggit niya ay mga taong may laman at dugo, naging tao rin si Hesus upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay malupig niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.
15Sa ganitong paraan, pinalaya niya sila na naging alipin ng takot sa kamatayan sa buong buhay nila.