2Nang unang magsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Hoseas, sabi niya, “Mag-asawa ka ng babaeng bayaran, at magkaroon ng mga anak sa kanya. Sapagkat tulad ng babaeng bayaran, matindi ang pagtataksil ng bansang ito sa akin na kanilang Panginoon nang talikuran nila ako.”
3Kaya nagpakasal si Hoseas kay Gomer na anak ni Diblaim. Hindi nagtagal, nabuntis si Gomer at nanganak ng isang lalaki.
4Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Jezreel ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi na magtatagal at parurusahan ko ang hari ng Israel dahil sa ginawang pagpatay ng ninuno niyang si Jehu sa lungsod ng Jezreel. Wawakasan ko na ang kaharian ng Israel.
5Sa araw na iyon, ipapalupig ko ang mga sundalo ng Israel doon sa Lambak ng Jezreel.”
6Muling nabuntis si Gomer at nanganak ng isang babae. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ruhama ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi ko kahahabagan ni patatawarin ang mga mamamayan ng Israel.