3Kayong mga Israelita ay ibinukod para sa akin. Kayo ang pinakaunang bunga na ibinigay sa akin. Pinarusahan ko ang mga nanakit sa inyo, at napahamak sila,’ wika ng Panginoon.”
4Pakinggan ninyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob.
5Ito ang sinabi ng Panginoon: “Anong kasalanan ang nakita ng mga ninuno ninyo sa akin na nagtulak sa kanila para lumayo? Sumusunod sila sa mga walang kuwentang diyos-diyosan, kaya sila rin ay nawalan ng kabuluhan.
6Hindi sila nagtanong, ‘Nasaan ang Panginoon, na naglabas sa amin mula sa Ehipto at nanguna sa amin sa ilang na walang tanim, ang lupang tuyo, may mga hukay, mapanganib at walang taong tumitira o dumadaan?’
7Mula rooʼy dinala ko sila sa masaganang lupain upang makinabang sa mayamang ani nito. Ngunit nang naroon na kayo, dinungisan nʼyo ang lupain ko at ginawa itong kasuklam-suklam.