1Ngayon, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias nang sinugo ni Haring Zedequias si Pashur na anak ni Malquias at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya. Sinabi nila,
2“Ipakiusap mo sa Panginoon na tulungan kami, dahil sinasalakay na kami ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Baka sakaling gumawa ng himala ang Panginoon katulad ng ginawa niya noon, upang mapigilan ang pagsalakay ni Nebucadnezar.”
3Ngunit sinagot sila ni Jeremias,
4“Sabihin ninyo kay Zedequias na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Magiging walang kabuluhan ang mga sandata na inyong ginagamit sa pakikipagdigma ninyo sa hari ng Babilonia at sa mga kawal niya na nakapaligid na sa inyo. Titipunin ko sila sa gitna ng lungsod na ito.
5Ako mismo ang makikipaglaban sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ko dahil sa matindi kong galit.