16Sinabi ng mga pinuno, at ng mga tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsasalita siya sa atin sa pangalan ng Panginoon na ating Diyos.”
17Pagkatapos, may ilang mga tagapamahala na tumayo sa harap at nagsalita sa mga taong nagtitipon doon,
18“Noong si Ezequias ang hari ng Juda, nagsalita si Micas na taga-Moreset tungkol sa ipinasasabi ng Panginoon sa lahat ng taga-Juda. Sinabi niya, ‘Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo na wawasakin niya ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Itoʼy matutulad sa inararong bukirin, tambakan ng mga nagibang gusali at magiging kagubatan ang bundok na kinatatayuan ng Templo.’
19Pinatay ba siya ng hari ng Juda na si Ezequias o ng sinumang nasa Juda? Hindi! Sa halip, natakot si Ezequias sa Panginoon at nakiusap siya sa kanya. Kaya hindi itinuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa kanila. Kaya kung papatayin nʼyo si Jeremias, kayo na rin ang magdadala ng kaparusahan sa sarili ninyo.”
20Nang panahon ding iyon, may isa pang nagsalita tungkol sa ipinasasabi ng Panginoon. Siyaʼy si Urias na anak ni Semaias na taga-Kiriat-jearim. Nagsalita rin siya laban sa lungsod at sa bansang ito katulad ng sinabi ni Jeremias.