11Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda.
12Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel, ‘Ang Panginoon ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, sapagkat akoʼy mahabagin. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman.
13Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Diyos, at sumunod ka sa ibang mga diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng malalagong punongkahoy. Aminin mong hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
14Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo. Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Zion.
15Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa.