13Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Diyos, at sumunod ka sa ibang mga diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng malalagong punongkahoy. Aminin mong hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
14Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo. Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Zion.
15Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa.
16Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito.
17Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng Panginoon.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem upang parangalan ang pangalan ng Panginoon. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso.