8Makinig kayo! Ako ang kukuha sa kanila at titipunin ko sila mula sa hilaga at sa alinmang bahagi ng mundo. Pati ang mga bulag at mga lumpo ay kasama, ganoon din ang mga buntis at ang mga malapit nang manganak. Napakalaking grupo ang uuwi.
9Mag-iiyakan sila sa tuwa at mananalangin habang dinadala ko sila pauwi. Dadalhin ko sila sa mga bukal, dadaan sila sa magandang daan at hindi sila matitisod. Sapagkat ako ang ama ng Israel; at si Efraim ang panganay kong anak.
10“Mga bansa, pakinggan ninyo ang mensahe ng Panginoon; at ibalita ninyo ito sa malalayong lugar: ‘Ikinalat ko ang mga taga-Israel, pero muli ko silang titipunin at aalagaan ko sila katulad ng pag-aalaga ng pastol sa kanyang kawan ng tupa.’
11Sapagkat ililigtas ng Panginoon ang mga lahi ni Jacob sa kamay ng mga taong higit na makapangyarihan kaysa sa kanila.
12Pupunta sila sa Bundok ng Zion at sisigaw dahil sa kagalakan. Magsasaya sila dahil sa mga pagpapala ng Panginoon sa kanila. Magiging sagana ang mga trigo, ang bagong alak, langis at mga hayop nila. Silaʼy matutulad sa halamanang palaging dinidiligan at hindi na sila muling magdadalamhati.