12Sinabi pa ng Panginoon, “Kung ang mga walang kasalanan ay nagdurusa, kayo pa kaya? Tiyak na parurusahan kayo.
13Isinusumpa ko sa sarili ko na ang Bosra ay mawawasak. Magiging nakakatakot ang kalagayan nito, at kukutyain at susumpain ito. Ang lahat ng bayan nito ay magiging wasak magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
14Narinig ko ang balita mula sa Panginoon na nagpadala siya ng mga sugo sa mga bansa upang paghandain sila sa digmaan at hikayatin silang salakayin ang bansa ng Edom.
15Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Gagawin ko kayong mas mababa kaysa sa ibang mga bansa, at hahamakin kayo ng sangkatauhan.
16Ipinagmamalaki ninyong kayoʼy nakatira sa batuhan at matataas na lugar. Ngunit sa pagmamataas at pananakot ninyong ito sa iba, dinadaya lamang ninyo ang inyong sarili. Sapagkat kahit na naninirahan kayo sa pinakamataas na lugar katulad ng pinagpupugaran ng agila, ibabagsak ko pa rin kayo,” sabi ng Panginoon.