21Kaya ito ang sinabi ng Panginoon: “Ako ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito. At dahil dito, babagsak ang mga ama at mga batang lalaki, pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”
22Ito pa ang sinasabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, may mga sundalong dumarating galing sa lupain sa hilaga, isang makapangyarihang bansa na galing sa malayong lupain na handang sumalakay.
23Ang dala nilang sandata ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nila ay parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila para salakayin kayo, mga taga-Zion.”
24Nabalitaan namin ang tungkol sa kanila at kami ay nanlupaypay. Takot at hirap ang naramdaman namin katulad ng paghihirap ng babaeng manganganak na.
25Huwag na kayong lalabas upang pumunta sa mga bukid o lumakad sa mga daan, sapagkat may mga kaaway kahit saan na handang pumatay. Nakakatakot sa ating paligid.