15Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating.
16Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa halinghing pa lang ng kanilang mga kabayo, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila upang wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.
17“Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo at kayoʼy mamamatay,” sabi ng Panginoon.
18Pagkatapos, sinabi ni Jeremias: Hindi mapapawi ang aking kalungkutan. Ang aking pusoʼy nagdaramdam.
19Pakinggan nʼyo ang iyakan ng aking mga kababayan na naririnig sa buong lupain. Sinabi nila, “Wala na ba ang Panginoon sa Jerusalem? Wala na ba roon ang Diyos na Hari ng Jerusalem?” Sumagot ang Panginoon. “Bakit ninyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosang walang kabuluhan?”