8Ginawa ng mga Levita at ng mga taga-Juda ang iniutos ng paring si Joiada. Tinipon ng mga kumander ang mga tauhan nila na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga, pati rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon. Hindi muna pinauwi ni Joiada ang mga Levita kahit tapos na ang kanilang takdang oras.
9Pagkatapos, binigyan ni Joiada ang mga kumander ng mga sibat at ng malalaki at maliliit na pananggalang na pag-aari noon ni Haring David, na itinago sa Templo ng Panginoon.
10Ipinapuwesto niya ang mga armadong lalaki sa palibot ng Templo at ng altar upang protektahan ang hari.
11Pagkatapos, pinalabas ni Joiada at ng kanyang mga anak si Joas na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan siya ng kopya ng mga tuntunin tungkol sa pamamahala ng hari, at idineklara siyang hari. Pinahiran siya ng langis at sumigaw agad ang mga tao, “Mabuhay ang Hari!”
12Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga tao na tumatakbo at nagsisigawan upang papurihan ang hari, pumunta siya sa kanila roon sa Templo ng Panginoon.