15“Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon sa mga taga-Tiro: Ang mga nakatira sa tabing-dagat ay manginginig sa takot kapag narinig nila ang pagkawasak ninyoʼt pagkamatay, at ang pagdaing ng inyong mga sugatan.
16Ang mga pinuno ng mga tabing-dagat ay bababa sa kanilang trono, huhubarin ang kanilang mga damit panghari at naggagandahang damit-panloob. Uupo sila sa lupa na nanginginig sa takot dahil sa sinapit mo.
17At tataghoy sila nang ganito para sa iyo: ‘Paano kang bumagsak, ikaw na tanyag na lungsod na tinatahanan ng mga tao sa tabing-dagat? Makapangyarihan ka sa karagatan at kinatatakutan ng lahat.
18At ngayon, ang mga nakatira sa tabing-dagat ay nanginginig sa takot sa araw ng iyong pagbagsak; ang mga isla sa karagatan ay nasindak dahil sa iyong pagkawasak.’
19“Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon: O Tiro, magiging tiwangwang kang lungsod, isang lungsod na walang nakatira. Ibabaon kita sa malalim na tubig.