5Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil sa diyos-diyosang guya sa Bet-aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga diyos-diyosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila
6at dadalhin sa Asiria at ihahandog sa dakilang hari doon. Mapapahiya ang Israel sa kanyang pagtitiwala sa mga diyos-diyosan.
7Mawawala ang kanyang hari na parang kahoy na tinangay ng agos.
8Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, “Tabunan ninyo kami!”
9“Sinabi ng Panginoon, ‘Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno doon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea.