1Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon: “Bumili ka ng banga sa magpapalayok. Pagkatapos, magsama ka ng mga tagapamahala ng mga tao at tagapamahala ng mga pari,
2at pumunta kayo sa Lambak ng Ben-hinom malapit sa Pintuan na Pinagtatapunan ng mga Basag na Palayok. At doon mo sabihin ang sinabi ko sa iyo.
3Sabihin mo, ‘Mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, pakinggan ninyo ang mensahe ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel. Ito ang sinabi niya: Magpapadala ako ng malagim na kapahamakan sa lugar na ito at ang sinumang makakarinig tungkol dito ay talagang matatakot.