6Mag-asawa kayo at nang magkaanak kayo. Hayaan din ninyong mag-asawa ang mga anak nʼyo at nang magkaanak din sila upang dumami kayo nang dumami.
7Tumulong kayo para sa kabutihan at kaunlaran ng lungsod na pinagdalhan sa inyo. Ipanalangin ninyo ito sa Panginoon dahil kapag umunlad ito, uunlad din kayo.’
8“Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel: ‘Huwag kayong palilinlang sa mga propeta ninyo o sa mga kasama ninyong manghuhula. Huwag kayong maniniwala sa mga panaginip nila.
9Sapagkat nagpropesiya sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo,’ sabi ng Panginoon.
10“Sinasabi ng Panginoon, ‘Pagkatapos ng pitumpung taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo.