13Kung magkagayon, ang kanilang mga dalagaʼt binata pati ang matatanda ay sasayaw sa tuwa. Papalitan ko ng kagalakan ang pag-iiyakan nila. At sa halip na magdalamhati sila, bibigyan ko sila ng kaaliwan.
14Bibigyan ko ng maraming handog ang mga pari. Bubusugin ko ng masaganang pagpapala ang aking mga mamamayan,” sabi ng Panginoon.
15Sinabi pa ng Panginoon: “May narinig na tinig sa Rama, tumatangis at nananaghoy, iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak, at ayaw niyang magpaaliw, dahil silaʼy pumanaw na.”
16Ngunit sinabi ng Panginoon: “Huwag ka nang umiyak dahil gagantimpalaan kita sa mga ginawa mo. Babalik ang mga anak mo galing sa lupain ng mga kaaway.
17Kaya may pag-asa ka sa hinaharap,” sabi ng Panginoon. “Sapagkat talagang babalik ang mga anak mo sa sarili nilang lupain.”