1Sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Jerusalem at ang mga bayan sa palibot nito. Kasama niyang lumusob ang lahat ng sundalo niya pati ang mga sundalo na galing sa mga kaharian na nasasakupan niya. Sa panahong iyon, sinabi kay Jeremias ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel: “Pumunta ka kay Haring Zedequias ng Juda at sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon, ang nagsasabi, ‘Ibibigay ko sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito at susunugin niya ito.’
3Hindi ka makakatakas sa mga kamay niya. Huhulihin ka at ibibigay sa hari ng Babilonia. Haharap ka sa kanya upang hatulan at dadalhin kang bihag sa Babilonia.
4Ngunit ikaw, Zedequias na hari ng Juda, pakinggan mo ang pangako ng Panginoon sa iyo: Hindi ka mamamatay sa digmaan,
5kundi payapa kang mamamatay. Ang mga mamamayan moʼy magsusunog ng mga insenso upang parangalan ka, katulad ng ginawa nila sa paglilibing ng mga ninuno mo na mga naunang hari. Ipagluluksa ka nila at sasabihin nila, ‘Patay na ang aming hari!’ Dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”